While I'm away... I found this in my heart <3 <3 <3
Galak ay nanumbalik, sa puso ay dumapo
Mundo'y muling umikot winaksi ang siphayo
Hindi inaasahan ang biglaang pagbabago
Pakiwari'y 'di ayon sa mga gawa at pinlano
May kalakip na alinlangan, huwad ba o totoo?
Alin ang sigurado sa pagkawagi at pagkatalo?
Taimtim na sinuri, tinimbang ngunit kulang
Kulang man sa ninais, ngunit ayon sa pakiramdam
Na ang lupang makitid at nilamon ng tagtuyot
May umagos na pag-asaang luntiang bumalot
Sa panahon ng hapis habang puso'y nagdurugo
Binuhay ang kaluluwang may ninanais na pagsuyo
Lumiwanag ang buwan sa ibabaw ng kalangitan
Kasiping mga bituing marikit ang nasilayan
Nagapi ang takot, nagdulot ng kaligayahan
Nilimot ang multo ng mapait na pinagdaanan
Nilitis ang konsensya, wala mang kasiguruhan
Sadyang 'di mapigilan ang nag-uumapaw na kakiligan
Kalauna'y 'di sadyang maghangad ng labis
Sa haba ng panahong nabuhay sa pagtitiis
Tama ba o mali, o ano ang mali sa tama?
Paano itatama ang maling di inaakala?
Sa malayong bukas na hindi man tiyak
Pilit tumatangis pigilan mang pumatak
Maligaw at mabigo sa landas na tinatahak
Pagsisisi'y walang puwang anuman ang binabalak
Tatamnan ang bukid datapwat mahirap
Hanggang dulo ay magpupunla ng butil ng pangarap
Sa pagyabong at paglago ay tanging kabutihan
Ang aanihin at ibabahagi sa pinaglalaanan
Sa puso at gunita ay di kayang pantayan
Ang lubos na pag-aangkin sa imaheng hinahangaan
Hindi mabubuwag subukin man ng pangungutya
Ang matibay na paniniwalang lahat ay nilikha
Sa mundo ng tao ay walang nakalalamang
Sa layuning mabuhay na pantay-pantay lamang
Ang pagtago sa aninong di pangkaraniwan
Batid na sa dilim 'di ito masisilayan
Kaakibat ang kaba't labis na agam-agam
Anuman ang marinig di na kayang pigilan
Nakakubli man sa ngiti ang di katiyakan
Sumasabog, tumitibay ang taglay na paninindigan
Magpunla at mag-alaga sa tuwing aba'y bantay
Sa nagtatanging nasa, hangad sa tuwina'y mag-alay
Nagputik, nagsugat, tanggap ang titig ng panghuhusga
Bubungang pilit ng matamis na pagsinta
Sa mata ng marami, sa malayong bukas
Tiyak na ito ay pag-iirog na wagas, di kukupas
Bagaman taliwas sa kanilang dunong at kamalayan
Sa kinamulatang pamantayan ngunit sa aking kapakinabangan
Tunay at dalisay sa harap ng buwan at bituin
Aakbay ako sa iyo maging ito'y takaw pansin.
No comments:
Post a Comment