'Yan ang karaniwang sinasabi ng mga taong may "hang-over" mula sa pagpupuyat sa pag-inom ng alak. At oo, 'yan din ang una kong nasabi kaninang umaga pag-gising ko dahil buong magdamag akong nakipag-inuman. Sa muli kong pagbabalik dito sa kung saan man ako nagtatrabaho ngayon at nakikipagsapalaran ng mahabang panahon, sinabi ko sa aking sarili na babawasan ko na ang bisyo ko sa pag-inom ng alak. Sa lugar na ito kung saan ay mahigpit ang patakaran sa pagbili, pag-inom at pagsasaya sa ilalim ng kapangyarihan ng alak ay higit ko pang dinanas ang parusang dulot ng tinatawag na "bisyo". Kapag bawal daw kasi mas masarap gawin. Hindi ako naniniwala doon, mahilig lang talaga akong uminom ng alak. Sinubukan kong gawing "new year's resolution" ang pagtigil ko sa pag-inom o paglalasing sa mas tumpak na pagsasalarawan ng kinaugalian kong bisyo. Hindi rin ako naniniwala sa tradisyon ng new year's resolution pero sa pananaw ko ay nagtagumpay naman ako sa binalak ko. Mas gusto kong tawagin ang desisyon kong ito na "pagbabagong-buhay" sa halip na new year's resolution. Mas angkop ang katagang ito sa kadahilanang ang lintek na bisyo na ito ang muntik ng sumira ng buhay ko.
Mag-aanim na taon na akong nagtatrabaho sa labas ng mahal kong bansang Pilipinas. Mahal ko ang bansa ko kaya ako nangibang-bayan. Mas epektibo kasi ang maitutulong ko sa pamilya kong maiwasan ang paghihikahos sa buhay, maging palaboy at pabigat sa lipunan. Hindi ko gustong problemahin pa sila ng gobyerno natin kaya sariling diskarte na lang sa buhay. Sabay ko ding matutulungan ang ating bansa sa pamamagitan ng buwis na nakakalap nila sa tuwing magpapadala ako ng pera. Nagpapadala ako ng pera sa atin, noon.
Madali akong nakahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil maabilidad naman akong tao. Marahil dahil sa hindi malayo sa pinanggalingan kong trabaho sa Pilipinas ang nakuha kong trabaho dito noon. Sa opisina lang. May computer, fax machine, telepono at sariling mesa. Executive secretary ako ng isang kompanya ng mga arabong hindi rin taga-rito. Madali kong natutunan ang trabaho at madali ko ding nakuha ang loob nila sa pamamagitan ng maayos na trabaho. Sumasahod ako na parang isang manager ng fast foodchain sa Pilipinas. Ayos lang dahil nagsisimula pa lang ako. Sa madaling salita, hindi sumasakit ang ulo ko at walang dahilan para sumakit ito.
Hindi nagtagal (dahil isang buwan lang ang nakalipas) ay nakahanap ako ng ibang trabaho na may mas malaking sweldo. Umalis ako ng opisina ng walang paalam at parang naliligaw na tupang pilit hinanap at pinapauwi ng aking amo. Masakit para sa akin ang gawin iyon dahil para akong nagtraydor sa aking amo ngunit kailangan kong gawin iyon para sa ikauunlad ko. Nagpakalayo-layo ako para humanap ng oportunidad sa pag-asenso at hindi para dumami ang kaibigan ko. May mga kaibigang pwede kong bilhin pag dumami na ang pera ko sa bangko. Iyon na lang ang inisip ko para lumuwag ng kaunti ang pakiramdam kong naging makasarili. Lumipat ako ng tirahan mas malapit sa bago kong trabaho at lumagay sa tahimik. Lumaki na ang sweldo ko at walang masakit sa parte ng ulo ko.
Sa katagalan (dahil isang taon at pitong buwan) ay nakahanap akong muli ng trabaho. Lumipat ako dahil sa parehong dahilan. May mas malaking sweldo ang nag-aabang. Sa pagkakataong ito ay wala akong naramdaman na pagtataksil sa aking kompanyang minsang tumulong sa paghubog ng aking abilidad sa larangan ng pagtitinda dahil naging mabuti akong empleyado sa kanila. Mula sa maliit na tindahan sa isang maliit shopping mall ay magtitinda na ako ngayon sa mas malaking tindahan sa mas malaking shopping mall. Magtitinda lang ako pero katumbas ko ang isang manager ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa sweldo. Dito nagsimulang kumati ang aking pagnanasa sa isang masaya ngunit masaklap na hantungan. Bahagya ng sumasakit ang aking ulo bunga ng pagkakalulon ko sa bisyo ng alak. Hindi ko na kayang isa-isahin pa ang mga kaganapan noon (sa mga susunod kong entry kung sakali) dahil limot ko na. Pwede kong sabihin na muntik na akong masipa sa trabaho dahil nakaugalian ko ang "sick leave". May sakit ako dahil lasing ako at hindi ko kayang tumayo man lang ng diretso. Lumiliit na din ang padala ko sa pamilya kasabay ng paglaki ng gastos ko sa mga inumin kong madalas ay sinusuka ko din naman. Nawalan ng promotion at nasira ang pangalan. Masakit na ang bulsa ko, masakit pa ang ulo ko (literal). Subalit higit na mas masakit sa akin ang malaman na ako ay tumatandang iresponsable. Naligaw ang aking landas at wala akong pwedeng sisihin kundi ang aking sarili. Kung kailan ako nagkaroon ng mas magandang oportunidad sa pag-unlad ay saka ko naman nakalimutan ang tunay kong dahilan sa paglipad ko sa bayang ito. Naloko ako ng sarili kong bisyo. Minsan akong nakalimot at masakit isiping wala ng paraan para balikan at ulitin ang mga kaganapan sa aking buhay ofw upang gawin ang mas tama. Labis labis na sakit ng ulo ang aking dinanas.
Sa kabilang banda, mayroon akong nakitang mabuting naidulot ng karanasan kong iyon. Hindi lang dahil sa bihira na akong may "hang-over" o nagawa ko ang isang bawal. Hindi lang din dahil sa may nagawa akong new year's resolution minsan sa aking buhay o maaari ko ng sabihin na ako ay "nagbagong-buhay". Higit pa sa mga bagay at pera o sa mga kaibigang minsan kong nabili ng aking kinitang pera.
Higit akong masaya ngayon dahil sa kabila ng mga pinagdaan ko nanatiling buo ang loob ko na ipagpatuloy ang buhay kong minsan ko ng pinagisipan ng masama. Hindi naging madali ang pagbangon ko mula sa pagkakahimlay ko dala ng kalasingan. Sa tingin ng iba marahil ay simple lamang ang aking pinagdaanan at simpleng sakit lang ng ulo ang aking naramdaman. Nalulon lang ako sa isang pangkaraniwang bisyo at ngayon ay pilit na umaahon tulad ng karamihan. Ang masaklap ay ang isang simpleng bisyo na ito ay maaaring maging katumbas ng buhay mo o ng kinabukasan ng mga taong mahalaga sa iyo. Mahalaga sila sa iyo at ganun ka din sa kanila kaya ang kasiyahan mo ay maaaring ang nagpapahaba pa ng kanilang buhay. Ngayon ay alam ko na ang totoong kailangan ko sa buhay. Hindi ko kailangan maging masaya dahil nakakainom ako ng alak.
game over! |
No comments:
Post a Comment