Tuesday, January 18, 2011

My Precious Talent

Filipinos love to sing. Since I am pure-thicker-than-water-blooded Filipino, singing is one of my passion. Indeed, at maging ang buong pamilya ko ay mahilig kumanta. Isama mo pa dyan ang mga kamag-anak kong naging aspirant singers din pero tanging mga palakpakan at malalakas na hiyawan lang ang napala dahil hanggang pagalingan lang sa videoke ang nasalihang labanan. Magaling man o hindi sa panlasa ng iba, ang mahalaga hindi talunan kung sakaling may hamunan. Ako man, hindi nagpapadaig sa kantiyawan dahil sa oras na mahawakan ko na ang mikropono ay hinding-hindi na ito maaagaw - ever.

Grade 3 lang ako noon ng una akong sumabak sa kantahan. Sumali ako sa school choir namin noong elementary. Hindi ko binalak ang pagsali kong ito sa grupo ng mga batang lalaki na matitining ang boses. Sumali ako kasi madalas excused ka sa klase dahil may praktis. Hindi pormal ang pagpapaalam kung gusto mong ma-excused, parang takas ka lang sa bilibid. Sisitsitan ka lang ng choir mate mo mula sa bintana ng classroom para sabihin na kailangan mo nang lumabas ng classroom at pansamantalang ipagpaliban ang pag-aaral ng mga kaalamang huhubog sa iyong pagkatao balang-araw. Walang pakialam ang mga ma'am ko kahit maubusan ako ng boses sa pagpapraktis sa choir siguro dahil wala naman silang nakikitang future sa akin.

Wala talaga akong naging future sa pagsali ko sa choir dahil hindi ako natutong bumasa ng nota. Sinasabayan ko lang ang mga co-members ko. Kahit 'yung parte ng mga babae sinasabayan ko. Muntik na akong maging one-man-choir. Sayang.

Dahil sa pagnanais kong matuto ng tamang pagkanta, muli akong sumali sa choir noong grade 6. Sa tingin ko ay matututo na ako dahil lumaki nang bahagya ang boses ko. Nagkaroon ng depth(?). Na-classify na ang boses ko bilang isang tenor. Magaling si ma'am kumanta kaya very challenging ang paraan nya sa pagtuturo - nakaupo kaming lahat habang kumakanta. Ang schedule ng praktis - after recess. Laging mataas ang tono ng tenor kaya madalas akong nakatingala habang kumakanta. Akala ko ganun 'yun, hindi pala. Parang tanga lang. Dahil laging find your height ang basehan ng seating arrangement lagi akong nasa front row. Oo kasi matangkad ako (irony). Sa aking pagtingala habang kinakanta ang "Ugoy ng Duyan", nakikita ko ang mapuputing bundok ng langit ni ma'am. Damang-dama ko ang emosyon ng kanta (at ni ma'am) habang sinasariwa sa aking isipan ang paraan ng pagdede ng gatas direct from the human source tuwing naaabutan ko ang bahagyang pagbuka ng uniform ni ma'am sa bandang dibdib kasabay ng pagkumpas. Ayoko na ulit mag-choir. Ayokong makulong sa boystown.

Walang choir noong high school ako kaya wala akong reason para ma-excuse sa klase. Uso pa ang pakikinig sa fm radio noon kaya hindi tuluyang nawaglit sa pangarap ko ang maging isang ganap na singer/performer/musical actor/model endorser ng mediacom. Nadagdagan ang mga inspirasyon ko. Lumawak ang genre ng music ko. Madaming banda ang sumibol. Madaming kanta ang nauso. Madaming nakiuso kaya madami din ang nasira ang ulo. Nagtapos ako ng may konting parangal sa high school. Salamat talaga at walang choir noon.

Nasa college na ako ng alukin ako ng kapit-bahay naming mag-serve sa simbahan bilang isang lector-commentator. Mukha kasi akong mabait. Sumali ako dahil hindi naman ako busy sa school at doon muling sumigla ang in-born talent ko sa pagkanta dahil agad akong sumali sa church choir. Nagbunga ang mga praktis ko noong bata pa ako dahil pumasa ako bilang full-pledged tenor. Sa mga panahong ito higit kong na-appreciate ang music. Hindi lang mga kanta ni lord ang natutunan ko. Maging ang mga kanta bago pa isilang ang tatay ko nire-request ko na sa radyo dahil puro thunders ang choir mates ko. At dahil kapanahunan ng tatay ko iyon, walang battle of the champions over mediacom. Give and take. Sweet kami sa bahay. Madalas parang celebrity duets.

Nagtatrabaho na ako sa isang prestigious office sa paranaque ng muling nag-shine ang aking career sa singing. Hindi lang sa boses ko lumalabas ang god-given talent ko kundi pati sa looks ko. Hindi pa man ako naririnig kumanta ng hr directress (aka anak ni tiburcio) namin ay hinikayat nya na akong sumali sa choir ng prestigious company ko. Tatlong oras akong naligo para makapag-praktis ng birit sa loob ng banyo para smooth ang launching ko sa choir. Muntik pa akong ma-late sa pagpasok dahil sa tagal kong maligo. Mabuti na lang at tatlong tumbling lang ang distansya ng bahay ko sa opisina. Tsk. Tsk. Sana na-late na lang ako at tuluyan ng hindi natanggap sa choir. Pito lang ang member ng choir (myself included). Hindi ako pwede dito dahil lip-singer lang ako. Siguradong buking ako dito. Madami na akong sinalihang choir pero hindi talaga gumanda ang boses ko. Pero mabait si lord. Tuluyang nabuwag ang company choir after a few i-cant-forget-humiliating performances. Hihihi. Lusot.

Ganunpaman, hayaan nyo akong mag-concert sa sarili kong blog. Ang mag-react ng hindi ko magugustuhan, mamalasin - whole year round. Joke lang. Ako ang nasa vid na 'to as a solo artist. Ang masasabi ko lang - step back boyce avenue!





Verdict: Kahit magtinda ng balot hindi ako pasado. Dapat talaga naglip-sing na lang ko dito. Hindi naman malalaman. uLOLz.

P.S. Thanks to Mon for wasting your time and energy with me in this video. You're one of the best guitarist in the planet world. Amen.

Masakit Ang Ulo Ko

'Yan ang karaniwang sinasabi ng mga taong may "hang-over" mula sa pagpupuyat sa pag-inom ng alak. At oo, 'yan din ang una kong nasabi kaninang umaga pag-gising ko dahil buong magdamag akong nakipag-inuman. Sa muli kong pagbabalik dito sa kung saan man ako nagtatrabaho ngayon at nakikipagsapalaran ng mahabang panahon, sinabi ko sa aking sarili na babawasan ko na ang bisyo ko sa pag-inom ng alak. Sa lugar na ito kung saan ay mahigpit ang patakaran sa pagbili, pag-inom at pagsasaya sa ilalim ng kapangyarihan ng alak ay higit ko pang dinanas ang parusang dulot ng tinatawag na "bisyo". Kapag bawal daw kasi mas masarap gawin. Hindi ako naniniwala doon, mahilig lang talaga akong uminom ng alak. Sinubukan kong gawing "new year's resolution" ang pagtigil ko sa pag-inom o paglalasing sa mas tumpak na pagsasalarawan ng kinaugalian kong bisyo. Hindi rin ako naniniwala sa tradisyon ng new year's resolution pero sa pananaw ko ay nagtagumpay naman ako sa binalak ko. Mas gusto kong tawagin ang desisyon kong ito na "pagbabagong-buhay" sa halip na new year's resolution. Mas angkop ang katagang ito sa kadahilanang ang lintek na bisyo na ito ang muntik ng sumira ng buhay ko.

Mag-aanim na taon na akong nagtatrabaho sa labas ng mahal kong bansang Pilipinas. Mahal ko ang bansa ko kaya ako nangibang-bayan. Mas epektibo kasi ang maitutulong ko sa pamilya kong maiwasan ang paghihikahos sa buhay, maging palaboy at pabigat sa lipunan. Hindi ko gustong problemahin pa sila ng gobyerno natin kaya sariling diskarte na lang sa buhay. Sabay ko ding matutulungan ang ating bansa sa pamamagitan ng buwis na nakakalap nila sa tuwing magpapadala ako ng pera. Nagpapadala ako ng pera sa atin, noon.

Madali akong nakahanap ng trabaho sa ibang bansa dahil maabilidad naman akong tao. Marahil dahil sa hindi malayo sa pinanggalingan kong trabaho sa Pilipinas ang nakuha kong trabaho dito noon. Sa opisina lang. May computer, fax machine, telepono at sariling mesa. Executive secretary ako ng isang kompanya ng mga arabong hindi rin taga-rito. Madali kong natutunan ang trabaho at madali ko ding nakuha ang loob nila sa pamamagitan ng maayos na trabaho. Sumasahod ako na parang isang manager ng fast foodchain sa Pilipinas. Ayos lang dahil nagsisimula pa lang ako. Sa madaling salita, hindi sumasakit ang ulo ko at walang dahilan para sumakit ito.

Hindi nagtagal (dahil isang buwan lang ang nakalipas) ay nakahanap ako ng ibang trabaho na may mas malaking sweldo. Umalis ako ng opisina ng walang paalam at parang naliligaw na tupang pilit hinanap at pinapauwi ng aking amo. Masakit para sa akin ang gawin iyon dahil para akong nagtraydor sa aking amo ngunit kailangan kong gawin iyon para sa ikauunlad ko. Nagpakalayo-layo ako para humanap ng oportunidad sa pag-asenso at hindi para dumami ang kaibigan ko. May mga kaibigang pwede kong bilhin pag dumami na ang pera ko sa bangko. Iyon na lang ang inisip ko para lumuwag ng kaunti ang pakiramdam kong naging makasarili. Lumipat ako ng tirahan mas malapit sa bago kong trabaho at lumagay sa tahimik. Lumaki na ang sweldo ko at walang masakit sa parte ng ulo ko.

Sa katagalan (dahil isang taon at pitong buwan) ay nakahanap akong muli ng trabaho. Lumipat ako dahil sa parehong dahilan. May mas malaking sweldo ang nag-aabang. Sa pagkakataong ito ay wala akong naramdaman na pagtataksil sa aking kompanyang minsang tumulong sa paghubog ng aking abilidad sa larangan ng pagtitinda dahil naging mabuti akong empleyado sa kanila. Mula sa maliit na tindahan sa isang maliit shopping mall ay magtitinda na ako ngayon sa mas malaking tindahan sa mas malaking shopping mall. Magtitinda lang ako pero katumbas ko ang isang manager ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa sweldo. Dito nagsimulang kumati ang aking pagnanasa sa isang masaya ngunit masaklap na hantungan. Bahagya ng sumasakit ang aking ulo bunga ng pagkakalulon ko sa bisyo ng alak. Hindi ko na kayang isa-isahin pa ang mga kaganapan noon (sa mga susunod kong entry kung sakali) dahil limot ko na. Pwede kong sabihin na muntik na akong masipa sa trabaho dahil nakaugalian ko ang "sick leave". May sakit ako dahil lasing ako at hindi ko kayang tumayo man lang ng diretso. Lumiliit na din ang padala ko sa pamilya kasabay ng paglaki ng gastos ko sa mga inumin kong madalas ay sinusuka ko din naman. Nawalan ng promotion at nasira ang pangalan. Masakit na ang bulsa ko, masakit pa ang ulo ko (literal). Subalit higit na mas masakit sa akin ang malaman na ako ay tumatandang iresponsable. Naligaw ang aking landas at wala akong pwedeng sisihin kundi ang aking sarili. Kung kailan ako nagkaroon ng mas magandang oportunidad sa pag-unlad ay saka ko naman nakalimutan ang tunay kong dahilan sa paglipad ko sa bayang ito. Naloko ako ng sarili kong bisyo. Minsan akong nakalimot at masakit isiping wala ng paraan para balikan at ulitin ang mga kaganapan sa aking buhay ofw upang gawin ang mas tama. Labis labis na sakit ng ulo ang aking dinanas.

Sa kabilang banda, mayroon akong nakitang mabuting naidulot ng karanasan kong iyon. Hindi lang dahil sa bihira na akong may "hang-over" o nagawa ko ang isang bawal. Hindi lang din dahil sa may nagawa akong new year's resolution minsan sa aking buhay o maaari ko ng sabihin na ako ay "nagbagong-buhay". Higit pa sa mga bagay at pera o sa mga kaibigang minsan kong nabili ng aking kinitang pera.

Higit akong masaya ngayon dahil sa kabila ng mga pinagdaan ko nanatiling buo ang loob ko na ipagpatuloy ang buhay kong minsan ko ng pinagisipan ng masama. Hindi naging madali ang pagbangon ko mula sa pagkakahimlay ko dala ng kalasingan. Sa tingin ng iba marahil ay simple lamang ang aking pinagdaanan at simpleng sakit lang ng ulo ang aking naramdaman. Nalulon lang ako sa isang pangkaraniwang bisyo at ngayon ay pilit na umaahon tulad ng karamihan. Ang masaklap ay ang isang simpleng bisyo na ito ay maaaring maging katumbas ng buhay mo o ng kinabukasan ng mga taong mahalaga sa iyo. Mahalaga sila sa iyo at ganun ka din sa kanila kaya ang kasiyahan mo ay maaaring ang nagpapahaba pa ng kanilang buhay. Ngayon ay alam ko na ang totoong kailangan ko sa buhay. Hindi ko kailangan maging masaya dahil nakakainom ako ng alak.


game over!


Monday, January 17, 2011

Dino Malicioso

Hi guys!
 Ako si Dino. Hindi Malicioso ang apelyido ko. Hindi pa ako talagang handa para gawin ito. Masyado lang akong sabik na magkaroon ng isang blog kaya kahit wala pa akong masyadong materyales para sa blog ko na ito ay binuksan ko ng wala sa oras. Wala rin akong sapat na kaalaman at karanasan sa pagsusulat pero gusto ko talagang magkaroon ng blog. Masyado akong naaliw sa mga nabasa kong blog nung mga panahong marami akong oras at mas pinili kong magbasa sa internet. Nadama ko ang emosyon ng mga taong nagsulat ng mga nabasa kong istorya. Sa tingin ko mas epektibo akong mambabasa kesa sa manunulat. Sana magkaroon ng katuturan ang pagsusulat ko na ito na para sa akin ay magsisilbing salamin ng aking pagkatao. Hindi madaling magsulat ngunit higit na mas mahirap ang magsulat ng mga bagay-bagay tungkol sa sarili mo. Mas magiging kuntento siguro ako kung ako lang ang makakabasa ng blog ko na ito kaya sisiguraduhin kong isa lang itong malaking sikreto.

On that note, I woud like to officially open my blog and welcome everyone! Cheers!